

Una at dito lang naibalita sa ZOH ang tungkol sa pag-ere sa TV5 ng isa sa mga inaabangang anime series sa bansa, ang “The Melancholy of Haruhi Suzumiya”. Subalit naantala ang pagdating ng naturang anime.
Nauna nang ipinahayag ni Sir Adrian, ang Brand Manager ng “Kids and Teens” division ng TV5 na maaantala ang premiere airing ng Haruhi. Pero tiniyak niya na matutuloy ang pagpapalabas nito sa loob ng buwan na ito. Sa ngayon ay patapos na ang buwan ng June, pero wala pa ring anunsyong inilabas ang TV5 kaugnay ng Haruhi anime premiere.
Nito lamang Sabado ng gabi, June 27 ay nagbigay ng update ang aming source mula sa Lapat-Tinig na kasama sa naturang Haruhi dubbing project. Ibinalita niya na tatlong episodes pa lang ang natapos nilang i-dub. Aminado ang aming source na ang Haruhi ang pinakamahirap na anime na kanilang nai-dub. Subalit ipinagmalaki din ng aming source na nagbunga rin ang kanilang paghihirap sa pagdub.
Narito ang eksaktong pahayag ng source:
Hi guys! Tapos na naming i-dub ang first 3 eps ng Haruhi Suzumiya. Ang dugo! Gah! Pero I can proudly say that it’s all worth it.
Isa sa mga pinaka-mahirap gawing anime. Promise.
Nagpakita naman ng positibong tugon at pagsuporta mula sa Zen Otaku Honbu, partikular na sina eggman, ECWGuy at ang inyong lingkod, na siya rin naman tinugunan ng pasasalamat ng aming source.
Noong May 25, una nang ipinahayag ng Zen Otaku Honbu na maraming anime fans sa buong mundo ang napamahal, pumuri at kahit sinasamba ang tropa ni Haruhi Suzumiya. Kaya magiging sentro ng atensyon at magiging mainit sa mata ng mga kritiko ang gagawing Tagalog-dubbed version ng TV5 sa naturang sikat na anime series.
At mukhang handa naman ang TV5 at maging ang Lapat-Tinig Dubbers Association of the Philippines na harapin ang mga ito.
————————————————————————————————-
UPDATE: As of June 29 last night, sa pinakahuling impormasyong nakalap ng ZOH mula sa aming source sa Lapat-Tinig, nai-dub na raw nila kagabi ang episodes 4 to 6 ng Haruhi Suzumiya.
Binanggit din ng aming source na patuloy pa rin ang kanilang dubbing sa anime na Toradora! na kasalukuyang palabas pa rin sa TV5 tuwing Lunes hanggang Huwebes ng 7:30 pm at may encore run ng Linggo mula 3:30 hanggang 5:30 pm. Matatandaang matapos umere ang episode 12 ng Toradora! noong June 4 ay bumalik sila sa episode 1 noong June 8, subalit nadugtungan na ito noong June 25. Mula kagabi ay nasa episode 14 na ang Toradora!
Sa pagtatantiya ng ZOH, kung matutuloy ang pag-ere ng Haruhi Suzumiya sa July 13 sa kabila ng progresong ito na ipinahayag ng aming source, malamang na matulad ang anime na ito sa nagiging scenario ng Toradora! – mapuputol pagkatapos ng ilang episodes at babalik sa umpisa pero madudugtungan na pagkatapos ng episodes kung saan sila huminto.
Kung kaming mga taga-ZOH ang tatanungin, maaari din sanang ipalabas ang Haruhi katulad ng pag-ere ng TV5 sa Fullmetal Alchemist: Brotherhood na siyang dinadub ng Lapat-Tinig. Palabas ang FMA:B tuwing Biyenes ng 7:30 pm at Linggo ng 5:30 pm. Ang ibig naming sabihin, linggu-linggo na lang sana ang pag-ere ng Haruhi kung ganito ang nagiging progreso ng pagdub ng Lapat-Tinig sa Haruhi.
Gayunpaman, hindi namin masisisi ang Lapat-Tinig kung ganito man ang progreso ng pagdub nila sa naturang sikat na anime. Nauna nang ipinahayag ng aming source na napakahirap i-dub (”dinugo” sa pagkakalarawan ng source) ang Haruhi, subalit alam nilang magbubunga ang kanilang matinding pinaghirapan. Dagdag pa ng source, pinakanahirapan sila sa roles nina Haruhi at Kyon.