ANIME KABAYAN: The Way “Eye” See It

The WordPress Edition

Imbak para sa Kategoriyang ‘Others’

Cavite Representative Gives “Word of Confidence” To Anime

Ipinaskil ni Anime Kabayan sa Oktubre 12, 2008

http://gilbertremulla.com/gcr/img/home/headline.jpg

Sinong mag-aakalang ang isang miyembro ng House of Representatives ng ating bansa ay magbibigay ng pahayag na sinusuportahan niya ang pagpapalabas ng Japanese anime sa ating bansa at nagbibigay ng kumpiyansa sa mga mahahalagang elementong ipinapakita ng bawat anime series na ipinapalabas sa mga TV networks?

Kamakailan lang, si Gilbert Remulla, ang kinatawan ng ikalawang distrito ng Cavite ay nag-organisa ng isang fund-raising paint ball competition na sinalihan ng kapwa niya kongresista, artista at mga taga-media. Ang nalikom sa naturang kumpetisyon ay ibibigay sa Gawad Kalinga, ang institusyong ito na kilala sa pagpapatayo ng mga bahay para sa mga mahihirap, partikular na sa mga nasalanta ng kalamidad.

Sa naging pahayag ni Remulla sa Hero TV na siyang nag-cover ng naturang event, sinabi ni Remulla na hindi dapat matakot at mabahala ang mga magulang sa panonood ng kanilang mga anak ng Japanese anime dahil sa kabila ng mga maaksyong mga eksena mula sa karamihan ng mga anime na ipinapalabas dito, may katumbas at kaakibat na moral and life lessons ang mga ito. Katulad ng Hero TV, sinusuportahan ni Remulla ang mga aktibidad (tulad ng kanyang inorganisang fund-raising paint ball competition) na humuhubog sa kakayahan at kumpiyansa ng mga kabataan, maging ang mga programa sa telebisyon (tulad ng mga Tagalog-dubbed Japanese animes na una niyang ipinahayag) na nagbibigay ng makabuluhang aral sa moralidad at buhay sa mga manonood nito.

Sana maging katulad ng iba pang mga pulitiko si Remulla sa pagbibigay ng suporta at kumpiyansa sa pagpapalabas ng Japanese anime sa bansa. Sa halip na tingnan nila ang umano’y bayolenteng mga nilalaman nito ay sikapin nilang silipin at unawain ang mensahe, prinsipyo at kung ano ang ipinaglalaban ng mga anime heroes. Karamihan ay nagpapakita ng tagumpay ng kabutihan laban sa kasamaan, kahalagahan ng pagkakaibigan, pagpapahalaga sa kapwa, sa kaibigan, sa pamilya at maging sa bayan. Sa mga sports anime naman, malinaw lang na ipinapakita dito ang halaga ng teamwork, tamang paggamit at pagsagawa ng mga istratehiya upang manalo sa bawat laro at pagtanggap ng pagkatalo.

Magsilbing hamon ito sa mga magulang na kasalukuyang natatakot at nababahala sa patuloy na pag-usbong ng industriya ng anime sa ating bansa. Sa halip na sisihin ang anime sa kung anong negatibong pagbabago ng kanilang mga anak ay maging instrumento at laging gabayan ang mga bata sa panonood. Dagdagan na rin nila ng paglalahad kung anong moral lessons ang makukuha nila sa pagtutok ng pakikibaka ng mga anime heroes.

Maging hamon din ito sa MTRCB, mga conservative groups na patuloy na tumutuligsa sa magandang adikhain ng bawat anime na palabas sa telebisyon. Para sa MTRCB, huwag sana silang maging one-sided o bias sa pagtugon sa mga umano’y reklamo ng iilang mga manonood na may kaugnay sa anime. Para sa mga konserbatibo, isuko na lang nila ang kanilang paninira sa anime. Maraming isyu na di hamak na mas mahalagang tutukan ng mga ito kaysa pag-aksayahan ng panahon sa pagbatikos sa anime.

Higit sa lahat, maging hamon din ito sa mga TV networks at mga dubbers. Maging masinop sa pagkuha, pagda-dub at pagpapalabas ng anime sa kanilang mga channels. Huwag padadala sa ilang empleyado na nag-uudyok sa mga puno ng Entertainment, Foreign Programs Acquisition at Programming departments na gumawa ng mga hakbang laban sa anime.

Para kay Mr. Gilbert Remulla, kaming mga Pinoy anime otakus ay labis na natutuwa sa inyong maikli pero makabuluhang pahayag. Dapat kang tularan ng iba pang mga pulitiko.

Ipinaskil sa Anime, Others, Philippines, Pinoy | Minarkahan: , , , | 7 Puna »

Unfinished Business nga ba? (AK’s Pacquiao-Marquez II Experience)

Ipinaskil ni Anime Kabayan sa Marso 17, 2008

Pacquiao

March 16, 2008. Linggo. Araw na muling maghaharap sa ikalawang pagkakataon, pagkatapos ng apat na taon, ang Pambansang Kamao ng Pilipinas – si Manny “PacMan” Pacquiao at ang pambato ng bansang Mexico – si Juan Manuel “Dinamita” Marquez.

4:45 am pa lang ay gising na ako para tumutok sa DZBB sa radyo. Natanaw ko naman sa ibaba ng aming bahay na gising na si Mama. Manonood kasi siya ng misa sa TV. Pagkatapos kong i-set ang TV para sa kanya ay agad akong bumalik sa aking kuwarto para umidlip, habang buhay pa ang radyo.

7:00 am na, nagpasya na akong gumising. Muli akong bumaba para mag-almusal. Ginawa ko na agad ang mga gawaing-bahay para pagsapit ng 8:00 am ay nakamonitor ako sa mga balita tungkol sa laban. Ang TV namin ay patay pagsapit ng 6:00 am, dahil kailangang patay ito para tuloy-tuloy ang panonood ni Tatay ng boksing mula 10:00 am.

Relax naman ako habang hindi pa sumasapit ang main event. Pagsapit ng 10:00 am ay saglit kong tiningnan ang nag-uumpisa pa lang na delayed telecast ng GMA 7. Si Sanzo naman ay lumabas ng bahay para mag-online games. Saglit din akong lumabas para usisain ang isang restaurant na nagpapalabas ng PPV ng boksing. Noong Huwebes ng gabi bago ang labas, malaki ang open space ng kainan. Pero nang tingnan ko ito noong Linggo, nakabalandra ang isang malaking blackboard. Tanging ang mga nagbayad sa PPV ang maaaring makapasok at makapanood sa loob ng kainan. Sa halip na sa open space dadaan ang mga parokyano ay sa isang makipot na daanan sa kaliwa nito kailangang dumaan.

Bandang 11:00 am na nang dumating na ang main event. Inilagay ko na ang radyo sa may terrace ng bahay, nakaharap kay Tatay kasama ang kanyang kalaro sa chess. Si Ciara Sotto ang umawit ng Lupang Hinirang. Inawit din ang pambansang awit ng Mexico at ng Amerika. Pagkatapos ng mga pagpapakilala ng mga sponsors at ng mga hurado, isinigaw na ni Michael Buffer ang sikat na phrase na “Let’s get ready to rumble…”

Medyo relaxed pa ako sa umpisa ng laban. Pero sa Round 3 ay napasigaw na ako nang sabihin ni Orly Trinidad na siyang commentator ng DZBB na napabagsak ni PacMan si Dinamita. Nang mga sumunod na rounds ay taimtim na akong nakikinig. Mukha kasing hindi natinag si Marquez sa pagkakabagsak niya sa round 3.

Sumapit na ang 11th round ay napag-isip ako, mukhang aabot ito hanggang round 12. Nasabi ko noon sa Honbu na kapag umabot sa round 12 ay matatalo si PacMan sa desisyon ng mga hurado. At natapos na nga ang buong laban. “Tatay, decision na po”, sabi ko. Nang basahin na ni Michael Buffer ang scorecard, inulit ko, “Tatay, decision na po”. Nang ang dalawang hurado ay hati sa desisyon, nasabi ko “Nakupo, split decision yata”. Pero nang marinig ko ang mga katagang “114-113, to the winner by split decision… and new…” napasigaw na naman ako. Base sa aking narinig sa radyo, talagang nahihirapan si PacMan sa naturang laban at malamang na tabla-talo ang resulta, pero hindi. Si Pacquiao ang itinanghal na bagong kampeon ng WBC Super Featherweight Division. Saka na ako kumain ng tanghalian.

Sa paglipas ng araw, may mga balita akong narinig na hindi kumbinsido ang ilan sa ating mga sports analyst sa naging resulta ng laban. Sabi nila, kung hindi tabla ay baka talo si Pacquiao. Bigla ko tuloy natandaan, Palm Sunday din noong unang nagharap naman sina Pacquiao at si Morales, natalo doon si PacMan by decision. At dahil Palm Sunday din nang araw na iyon, baka mag-”Lightning Strikes Twice” ang mangyari kay Manny pag nagkataon.

Tulad ng aking sinabi kanina, base sa narinig ko sa radyo, nahirapan talaga sa laban si PacMan. At mukha ngang matatalo pa siya. Pero ang masasabi ko sa mga usap-usapang ito – kahit anong galing natin sa pagsusuri sa labang ito, kahit anong iskor ang ibigay natin sa mga magigiting nating mga boksingero, kahit papaano natin ito ipaabot ang opinyon natin sa isyung ito… ISA LANG ANG KATOTOHANAN… HINDI TAYO ANG HURADO SA LABAN NILA. Tanging ang tatlong nilalang na naatasang desisyunan ang may karapatang magsalita at magpaliwanag kung bakit ito ang kinalabasan ng laban.

Ang tanong, unfinished na nga ba ang business? Gusto ni Marquez ng rematch. Gusto ng mga sports analyst ng rematch. Malamang ang maaaring magpasya niyan ay ang promotor ng laban – si Bob Arum… at si Pacquiao mismo.

Ganun pa man, naniniwala ako na ang lumipas na araw na ito, ay isang mahalagang araw para sa ating lahat. Sa loob ng 8 oras ay tumigil ang lahat para sa atin, inilaan ang panahong ito, ang ating mga dasal at suporta at naghuhumiyaw na mga boses ng ating mga kababayan para sa isang mandirigma ng ating panahon.

Congratulations, Manny. Nagpapasalamat kami sa iyong tagumpay dahil minsan mo na naman kaming pinagkaisa, sa gitna ng aming mga pagkakaiba ng opinyon. Pansamantala mong pinatahimik ang ingay ng walang katorya-toryang pamumulitika. Binigyan mo na naman ng panibagong pag-asa at karangalan ang ating bansang lugmok na sa maraming kahihiyan.

Ipinaskil sa GMA, Others, Philippines, Pinoy | Minarkahan: , , , , , , | Mag-iwan ng Puna »